Kinumpirma ng Israeli authorities na inaresto si Hamas spokesperson Hassan Yousef sa ikinasang raids o paggalugad ng Israel sa may West Bank.
Ayon kay Israel Security Agency Shin Bet, inaresto si Yousef dahil sa pinaghihinalaang kumikilos ito sa ngalan ng Hamas.
Si Yousef ang nangungunang Palestinian political figure na nagsisilbi bilang official spokesperson ng Hamas sa West Bank at siyang humahawak ng upuan sa Palestinain Legislative Council.
Una ng napaulat na si Yousef ay pinaniniwalaang isa sa mahigit 60 miyembro ng Hamas na ikinulong ng Israel sa isinagawang raids sa may West Bank, na isang teritoryo ng Palestine na inokupa ng Israel.
Dati na ring naaresto si Yousef ng Israeli forces at ikinulong ng 24 oras sa piitan ng Israel dahil sa iba’t ibang kaso ng incitement, pagpasok sa Jerusalem ng walang pahintulot at dahil sa pagiging isang miyembro ng Hamas.
Regular din lumalabas sa international media ang opisyal kung saan minsan nitong sinabi na handang pakawalan ng Hamas ang tinatayang 200 bihag nila kapag pumayag ang Israel sa 24 oras na ceasefire para bigyang daan ang humanitarian aid sa Gaza.