-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagpahayag ng hinanakit at pagkadismaya si Atty. Berteni C. Causing, ang nagsilbing tagapagsalita ng pamilya Mabasa sa pagpaslang sa radio commentator matapos na tanggalan ito ng lisensiya at pinapaalis sa listahan ng mga abogado dahil napatunayang naglabag ito sa Lawyer’s Oath and the Code of Professional Responsibility.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Causing, hindi umano makatarungan ang ginawa sa kanya dahil lumalabas na mas pinaburan ng Korte Suprema ang mga kurakot na kawani ng gobyerno at hinahayaang makawala ang mga sakot sa plunder case na isinampa nito sa Ombudsman.

Ayon pa sa kanya, napakalaki ang epekto nito sa kanyang pagkatao at pamilya ngunit pipiliin niya umanong lumaban at may mga hakbang itong gagawin.

Napag-alaman na sa inilabas na desisyon ng Supreme Court En Banc dahil sa naulit na pagpapalabas ng sensitibong impormasyon online o sa pamamagitan ng social media sa mga kaso na hawak nito at di pagsunod sa kautusan kahit pa sinuspende na ito ng isang taon ay napagdesisyunan na igawad ang “disbarment” sa kanya.

Matatandaan na sa akusasyon ng complainant, ginamit umano ni Causing ang social media upang ipangalandakan na may korupsiyon na naganap at inulit pa ng makailang beses.
Sa Answer-Affidavit ni Causing, inamin nito ang ginawang pag-post sa social media sa kadahilanang isa umano itong bahagi ng kanyang freedom of the press and freedom of expression.

Ngunit, pinagtibay pa ng rekomendasyon ng Integrated Bar of the Philippines ang nagawang bayulasyon ni Causing at inirekomenda ang suspensiyon sa kanya hanggang sa lumabas ang desisyon na disbarment.

Sa ngayon, inihayag nito na magsusumite siya ng Motion for reconsiderartion at kung di umano papanig sa kanysa ang en banc ay magsasampa din ito ng impeachement complaint laban sa mga justices sa Korte Suprema.

Maalalang si Causing ay tumayong spokesperson ng pamilya ng pinaslang na radio commentator na si Percy Lapid kung saan ang itinuturong mastermind ay si suspended Bucor Director General Gerald Bantag.