Hinimok ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga Katolikong Pilipino na makilakbay kay Hesukristo nang may pagmamalasakit at pagmamahal sa kapwa.
Kasabay ito ng obserbasyon ngayong araw ng mahigit 1-bilyong Romano Katoliko sa buong mundo sa Ash Wednesday na hudyat ng pagsisimula ng panahon ng Kuwaresma.
Sa mensahe ni Cardinal Tagle, binigyang-diin nito na ang Kuwaresma ay pagkakataon upang muling isentro ang buhay sa pagtulong sa mga higit na nangangailangan.
Importante rin aniya na ganap nang handa at walang anumang inaalala ang tao sa pakikilakbay nito kay Kristo.
“Today, the first day of Lent, we start preparing to journey with Jesus to Jerusalem where He will show His love for God the Father and for us until the end. It is difficult to travel with heavy bags and baggages,†pahayag ni Tagle.
Wika pa ng kardinal, ang pag-aayuno, pananalangin at pagbibigay limos o tulong sa mga kapus-palad ay pakikiisa sa misyon ni Kristo na tulungan ang mga dukha.
Ayon pa kay Tagle, malaking tulong ito upang mapagaan ang dalahin ng bawat mananampalataya na bunga na rin ng mga pagkakasala.
Sa pahayag naman ni Davao Archbishop at Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) President Romulo Valles, nagpaalala ito na huwag dapat kalimutan ng mga mananampalataya ang kanilang obligasyon tuwing Lenten season.
Hinikayat din nito ang mga Katoliko na makiisa sa paggunita ng Simbahan sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus upang tubusin ang sanlibutan mula sa kasalanan.