-- Advertisements --
CardinalTagle RLagarde CBCPNews
Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle

Pinuna ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mga indibidwal na gumagamit ng kanyang pangalan at nagpapakalat ng maling mga balita tungkol sa kanya.

Sa kanyang homily sa Manila Cathedral ngayong Biyernes Santo, ikinuwento ni Cardinal Tagle ang mga pagkakataong nagagamit umano ang kanyang pangalan upang manghingi ng mga donasyon.

Hinamon din ni Cardinal Tagle ang mga ito na huwag magtago at magpakita sa kanya.

“Ako po ay nakadiskubre na mayroon akong apat na Facebook accounts na ginagamit ang pangalan ko. Hindi naman ako ang nagbukas. Kung nandito ‘yung nagbukas no’n, puwede ba pakitaas ang kamay? May pangalan ka naman siguro eh,” wika ni Tagle.

“May pangalan ka. Gamitin mo! Bakit mo hinihiram ang pangalan ko? At ano ‘yan eh, pagnanakaw ‘yan ng identity.”

Bukod pa rito, isinalaysay din ng Arsobispo ang pagkalat ng impormasyon na pumanaw na raw ito noong nakaraang taon.

“Noong isang taon po, January 31, may nagpadala sa akin na isang naka-post daw, balita na ako ay namatay. Ako raw ay namatay sa Cardinal Santos Hospital. Napapaligiran ng aking mga magulang at mahal sa buhay. At mapayapa ko raw na hinarap ang huling sandali. At ang akin daw kapatid ay nagbigay ng interview, nagpapasalamat sa lahat ng tumulong at nagdasal para sa akin. January 31, patay na ako.”

“February 2, may misa ako sa para mga religious women, men sa San Carlos Seminary. Pagdating ko, tinanong ho ako ng isang kasama nating pari. ‘Eminence, kayo ho ba’y multo?’ Sabi ko ‘Teka, January 31 ‘yun eh. 31, February 1, February 2. Tatlong araw na, ako’y nabuhay namag-uli,” ani Tagle.

Giit ni Tagle, buhat umano ang naturang aksyon ng mga netizens sa kasinungalingan, at hindi sa pagmamahal.

Ang mga pahayag ni Tagle ay kaugnay sa kanyang repleksyon sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Hesus sa krus, batay kay San Juan.