CENTRAL MINDANAO – Isang taguan ng mga armas na pag-aari umano ng New People’s Army (NPA) ang natuklasan ng puwersa ng gobyerno sa probinsya ng Cotabato.
Ayon kay 6th Infantry (Kampilan) Division chief at Joint Task Force Central commander Maj. Gen. Juvymax Uy na nadiskubre ng pinagsanib na pwersa ng 90th Infantry Battalion at 602nd Infantry Brigade katuwang ang 39th Infantry Battalion ng 1002nd Infantry Brigade sa ilalim 10th Infantry (Agila) Division ang kuta ng mga NPA sa Sitio Lacube, Barangay Malabuan, Makilala, North Cotabato.
Narekober ng mga sundalo ang mga matataas na uri ng armas ng mga rebelde na kinabibilangan ng isang M16 rifle, dalawang barrels of garand rifle, dalawang barrels ng M1 carbine rifle, at barrel of M14 rifle.
Mismong mga dating rebelde ang nagbigay ng impormasyon sa Community Support Program (CSP) Team ng 90IB sa nakubkob na taguan ng mga armas ng mga NPA.
Si Brig. Gen. Roberto Capulong, brigade commander ng 602nd Infantry (Liberator) Brigade ay nagpahayag ng kanyang pagpapahalaga sa dating mga kasapi ng Communist terrorist group na nakikipagtulungan sa mga puwersa ng gobyerno para matunton ang mga armas ng mga NPA.
Hinimok ni Gen Uy ang mga mamamayan ng Timog-Gitnang Mindanao na ipagpatuloy ang pagsuporta sa kampanya ng gobyerno laban sa mga masasamang grupo at banta ng mga komunista.