-- Advertisements --

Pansamantalang ide-detine ang negosyante at umano’y Customs “fixer” na si Mark Taguba sa detention facility ng House of Representatives dahil sa posibleng banta sa kaniyang seguridad ayon sa Bureau of Customs.

Ililipat si Taguba mula sa National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa city.

Magiging epektibo aniya ang pag-detine kay Taguba sa House hanggang sa matapos ng Quad Committee ang kanilang imbestigasyon o hanggang sa matugunan ang posibleng banta laban kay Taguba.

Matatandaan, una ng nag-mosyon si Abang Lingkod Party-list Rep. Stephen Paduano na ilipat si Taguba sa detention facility ng House sa idinaos na pagdinig ng komite noong gabi ng Miyerkules.

Samantala, sa naturang pagdinig una ng nanindigan si Taguba na hindi siya sangkot sa shabu trade.

Pinagtibay din ni Taguba ang kaniyang dating testimoniya na nagdadawit kay Davao city Rep. Paolo “Pulong” Duterte, kay Mans Carpio na asawa ni VP Sara at iba pang miyembro ng tinatawag na Davao group sa pagpuslit ng bilyun-bilyong halaga ng shabu.

Nauna na ngang sinentensiyahan ng Manila Regional Trial Court Branch 46 noong Nov. 19 si Taguba kasama ang 2 iba pa sa habambuhay na pagkakakulong dahil sangkot umano ang mga ito sa P6.4 billion shabu shipment mula China noong 2017 at napatunayang guilty kalaunan sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.