Makikipagpulong ang Department of Interior and Local Government Unit o DILG kina Taguig City Mayor Lani Cayetano at Makati City Mayor Abby Binay dahil sa patuloy na gusot ng dalawang city officials.
Kabilang na rito ang kasalukuyang pagtatalo ng dalawang siyudad dahil sa pagpapasara ng Makati sa Health facilities sa Embo barangays na ngayon ay sakop na ng Taguig base sa hatol ng Korte Suprema.
Sa isang interview, sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos na nirerespeto niya ang desisyon ng dalawang siyudad pero sana raw ay manaig kung ano ang makabubuti para sa publiko.
Nakipag-ugnayan na rin umano siya kay Department of Health Secretary Ted Barbosa para sa mga option na maaaring pagkasunduan ng Makati at Taguig.
Noong araw ng bagong taon ay isinara na ng Makati ang health centers at lying-in clinics sa Embo dahil umano sa pagpaso ng license to operate ng mga ito. Ayon kay Makati City Administrator Claro Certeza, matagal na raw alam ng Taguig na magsasara ang mga health center pero wala umano ito naging aksyon.
Sa isang pahayag, sinabi ng Taguig na pakana ng Makati ang pagsasara ng mga health center dahil daw sa baluktot na hangarin ng Makati na gipitin ang Taguig matapos ideklara ng Korte Suprema na iligal ang pag-ukupa nito sa Embo barangays.