-- Advertisements --
LC5
IMAGE | Mayor Cayetano’s presentation/Screengrab, DOH

MANILA – Tinatayang 34,098 na residente ng Taguig City na ang nabakunahan laban sa COVID-19.

Ito ang inamin ni Mayor Lino Cayetano matapos ang higit isang buwan mula nang mag-umpisa ang vaccination rollout ng bansa.

Batay sa datos ng Taguig City local government unit, mayroon nang 9,567 healthcare workers na naturukan ng unang dose. Habang 2,076 ang nakakumpleto na ng ikalawang dose.

Nasa 11,488 namang senior citizen ang nakatanggap ng first dose, at anim ang naturukan ng second dose.

Sa hanay naman ng may comorbidity o ibang sakit, nasa 13,043 na ang naturukan ng unang dose, at 189 ang nakatanggap ng second dose.

“Pagkatapos ng isang taon, more than 20,000 Taguigeños got COVID. Pero in one month, 30,000 naman ang nabakunahan natin,” ani Cayetano.

“It might not mean a lot scientifically or medically, pero nagbibigay sa atin ng pagasa,” dagdag ng alkalde.

Katuwang daw ng LGU ang private sector sa pagbabakuna dahil karamihan sa walo nilang mega vaccination centers ang nasa loob ng malalaking mall. May kapasidad daw ang mga ito na mabakunahan ang nasa higit 1,000 indibidwal.

Nasa 36 naman ang kanilang community vaccination centers na nasa mga pampublikong paaralan ng lungsod, at may kakayahang makapagbakunan sa 400-tao kada araw.

May 200-individual capacity din ang dalawang vaccination bus na inilunsad ng lokal na pamahalaan.

“Kailangan lang namin idikit sa basketball court or function room para magsilbing registration at post-vaccination monitoring (area).”

Maaari raw magpa-rehistro ang mga residente sa pamamagitan ng Trace App o website.

Bukod dito, nagtayo din ng kiosk registration ang LGU sa higit 150 free wifi stations ng lungsod.

“Mayroon na rin kami since January na door-to-door registration. Lahat ng senior citizens, automatic enrolled na, we just need their consent, pinupuntahan namin sila sa kanilang mga bahay at ongoing ang registration.”