Ikinalulugod ng pamahalaang lokal ng Taguig na kinilala ang kanilang matagumpay na mga hakbangin sa nutrisyon at edukasyon bilang isang magandang halimbawa kung paano makakamit ang mga layuning ito sa ginanap na Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na iprisinta sa Senado noong January 28,2025.
Ang ulat na ito ay pinamagatang “Fixing the Foundations: A Matter of National Survival” at itinatampok ang mga kritikal na reporma upang matugunan ang krisis sa pagkatuto ng bansa.
Ang mga programang Early Childhood Care and Development (ECCD) ng Taguig, na nakakuha sa Lungsod ng ika-6 na Seal of Child-Friendly at Nutrition Honor Award sa Metro Manila, ay binanggit sa Ulat para sa “pagpapakita ng kahanga-hangang tagumpay sa pagbabago ng ECCD”.
Kasama sa mga programang ito ang libreng daycare na may mga learning materials at supplementary feeding, isang 120-araw na dietary supplementation program para sa mga batang may edad na 1-5, at mga aktibidad sa pangangasiwa ng sobra sa timbang at obesity.
Gayundin, ang komprehensibong diskarte ng Taguig ay nagpapakita kung paano epektibong maisasama ng mga lokal na pamahalaan ang edukasyon, nutrisyon, at pisikal na aktibidad upang palakasin ang mga hakbangin ng ECCD.
Binigyang-diin din ng EDCOM II ang Taguig Learner’s Certificate (TLC), isang natatanging voucher system na nagbibigay sa mga pampublikong elementarya graduates na gustong pumasok sa partner private high school na may PHP10,000 educational allowance at tuition subsidy na hanggang PHP18,000.
Ang TLC program naman ay hindi lamang lumilikha ng mga pagkakataon para sa mga nagtapos sa elementarya na makapag-enrol sa mga pribadong paaralan ngunit nakakatulong din na mabawasan ang pagsisikip sa mga pampublikong silid-aralan at sumusuporta sa mga pribadong institusyon sa pamamagitan ng pagtaas ng kanilang enrollment.
Itinampok din sa EDCOM II ang LANI Scholarship na nag-aalok ng educational assistance mula PHP15,000 hanggan PHP 110,000 kada taon.
Ang nasabing programa ay bukas sa mas malawak ng mga benepisyaryo na maaring gamitin sa public at private institutions sa buong bansa maging para sa mga kolehiyo, unibersidad, o teknikal at bokasyonal na mga kurso, na tumutulong sa pagpapabuti ng access sa de-kalidad na edukasyon para sa mga mag-aaral ng Taguig.