Patuloy ang paghahanda ng Taguig para sa vaccination program ng kanilang pamahalaang lokal.
Partikular dito ang mga gagamiting facility sa roll-out ng mga bakuna sa sandaling dumating na ito.
Una nang inanunsyo ni Taguig City Mayor Lino Cayetano na apat na mega-quarantine vaccination centers at 40 community centers ang inihahanda nila para sa vaccination program bilang tugon sa Coronavirus Disease (COVID) pandemic.
Ayon kay Cayetano, kabilang sa apat na mega-quarantine vaccination centers ang Lakeshore Complex sa Barangay Lower Bicutan.
Magkakaroon ng scheduled dry-run sa darating na mga araw na tutunghayan ng ilang kinatawan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases at ng iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Nasa 40 eskwelahan naman ang magsisilbing community vaccination centers.
Pinatitiyak pa ni Cayetano na lahat ng logistical requirements ay “in-place” na para sa pagdating ng mga biniling bakuna.
Nabatid na pumirma na ng kasunduan ang Taguig at ang world-class Orca Cold Chain Solutions Inc., na gagamitin bilang vaccine storage.
Ang nasabing storage facility ay may lawak na 6,500-square-meter na matatagpuan sa Barangay Bagumbayan.
“Sisiguraduhin nila ang integridad ng vaccine at mula doon hanggang sa mga vaccination centers, sila ang mag-susupervise para sa wastong temperatura ng vaccine,” pahayag ni Mayor Cayetano.
Ang unang batch na biniling bakuna ng Taguig ay mula sa AstraZeneca, pero may ginagawa ring pag-uusap ang local government sa tatlo pang vaccine suppliers.
Nilinaw din ng alkalde na ang mga bakuna na kanilang binili ay bukod pa sa ibibigay ng national government para sa mga medical frontliners.
Ang ikalawang batch naman aniya ng mga bibilhing bakuna ay para sa mga frontliner gaya ng mga enforcer, at ilang miyembro ng mga private sector na palaging nasa labas.
Habang ang ikatlong batch ng bakuna ay para sa mga “vulnerable” sectors kabilang ang mga matatanda at sa komunidad.
“To residents, stakeholders, visitors in the city of Taguig, ginagawa ho ang lahat ng pamahalaang lungsod para patuloy na maging handa sa pandemyang ito. Sa awa ng Diyos, we hope this is the beginning of the end (of the pandemic),” wika ni Cayetano.
Sa ngayon ang Taguig pa rin ang may pinakamababang COVID cases kung saan limang kaso ang naitala per 100,000 population.
Mas mababa ito sa 24 active cases per 100,000 population na naitala sa buong National Capital Region.
As of January 21, sa 11,095 COVID cases sa siyudad, 10,869 ang nakarekober kung saan ang recovery rate ay nasa 97.96 percent, mas mataas ito sa Metro Manila na may 95.04 percent recovery rate.
Ang siyudad ay may case fatality rate ng 1.6 percent kung saan 178 ang COVID-19 deaths.
Sa ngayon ang Taguig government ay nakapagsagawa na ng 108,777 RT-PCR free tests.