Nabiyayaan ng food packs ang mga residente mula sa 28 barangays ng Taguig City sa unang araw ng implementasyon ng Enhanced Community Quarantine sa NCR Plus Bubble na ipinamahagi ng pamahalaang lokal sa pangunguna ni Mayor Lino Cayetano.
Ang nasabing food packs ay para pang ayudad sa lahat ng mga pamilya na nakatira sa lungsod.
Nagsanib pwersa ang mga miyembro ng Barangay Affairs Office at ang Mayor’s Action Team at agad nagbahay-bahay upang maibigay ang mga food packs na kasya ng tatlo hanggang apat na araw sa isang pamilya na mayroong limang miyembro.
Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, kahit na bukas ang mga grocery at establisimento, siniguro ng lokal na pamahalaan na pwedeng hindi na lumabas ang mga residente ng Taguig para bumili ng kanilang pangangailangan at hindi na rin ma expose sa COVID-19.
“This week we need to stay safe. Dito po muna tayo sa piling ng mga mahal natin sa buhay, sa ating mga household, sa mga pamilya natin,” pahayag ni Cayetano.
Dagdag pa ng alkalde,” Sa aking mga kababayan, dito sa lungsod ng Taguig, we will take care of each other. Bayanihan po tayo. Ang lungsod natin ay kilala sa pagkalinga at pag-aaruga ng isa’t isa.”
Binigyang-diin ng alkalde na ang pamahalaang lokal ng Taguig ay nakahanda umalalay at tumulong sa kanilang mga constituents na nangangailangan ng tulong.
Ang food packs ay kinabibilangan ng bigas; canned goods, energy drinks; hygiene/anti-COVID kit with face masks, face shields, alcohol at sabon upang masiguro na mapoprotektahan sa nakamamatay na sakit ang bawat pamilya.
“Itong one week na ito ay makakatulong sa atin para lalong mapababa ang ating mga kaso sa lungsod.The City of Taguig remains to have one of the lowest number of active cases in Metro Manila. At naniniwala ako, pag tayo’y nagtulungan, kaya rin natin babaan pa lalo,” pahayag pa ni Cayetano.
Lubos naman nagpapasalamat ang mga constituents ng Taguig sa ayuda na ibinigay sa kanila ng pamahalaang lokal.