-- Advertisements --

Magpapamahagi ng ayuda sa bawat barangay ang pamahalaang lokal ng Taguig bilang tulong sa mga mamamayan nito, ngayong umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila mula August 6 hanggang August 20,2021.

Ayon kay Taguig City Mayor Lino Cayetano, halos P12 million pesos pondo ang inilaan ng local government para sa ayuda na kanilang ibibigay sa kanilang mga constituents.

Ang bawat barangay ay makakatanggap ng P250,000 na maaaring gamitin ng barangay para ibili ng karagdagang food packs para sa kanilang mga residente.

Paglilinaw ng alkalde na ang nasabing ayuda sa barangay ay maliban pa sa regular na City Aid na ibibigay ng LGU.

Ang barangay assistance ay hiwalay din sa halos 300,000 relief food packs na direkta namang ipinamamahagi sa mga mamamayan ng siyudad.

Ang bawat food pack ay naglalaman ng bigas, de lata, kape, energy drinks at instant noodles. Noong ika-8 ng Agosto, nasa 210,000 pamilya na ang nakakatanggap ng ayuda packs.

“Naglaan tayo ng pondo upang makatanggap ng food packs mula sa pamahalaang lokal ang lahat ng pamilyang Taguigeño anuman ang kanilang katayuan sa buhay,” wika ni Mayor Lino Cayetano.

Ang City Aid at food packs ay iba pa sa cash assistance mula naman sa national government na tulong na sinisigurong agarang maibibigay ng siyudad sa mga mamamayan.

Dagdag pa ni Mayor Lino na binibigyan din ng prayoridad ang pagpapalakas sa pagbabakuna, pati na ang testing, contact tracing and hospital capacity sa siyudad, upang makontrol ang pagkalat ng lubos na nakakahawang Delta variant ng Covid-19.

Giit ng alkalde,patuloy ang pamahalaang lokal ng Taguig sa paghahanap ng mga paraan upang mas protektahan ang bawat Taguigeño sa patuloy na paglaban ng bansa sa COVID-19 at mga epekto nito.