Pinuri ni vaccine czar Carlito Galvez ang pamahalang lokal ng Taguig na tinaguriang model city na may epektibong COVID-19 response sa isinagawang COVID-19 vaccination dry run sa siyudad na ginanap sa Taguig City Vaccination Hub, Lakeshore Mega Complex ngayong araw.
Ayon kay Galvez, ang Taguig ay kabilang sa mga unang siyudad sa Metro Manila na naglunsad ng drive thru COVID-19 testing facility at ang may pinakamababang COVID-19 active cases sa buong National Capital Region (NCR), kung saan limang kaso per 100,000 residents.
“This is a testament of the outstanding leadership shown by Mayor Lino Cayetano and the proactive strategy of your local government to contain and mitigate the spread of the virus,” wika ni Galvez.
Inihayag ni Galvez na ang siyudad ay may sariling cold storage facility na mayroong “point to point” logistics system at kasalukuyang naghahanda rin para sa apat nitong mega quarantine vaccination centers at 40 community centers para sa pagdating ng mga biniling COVID-19 vaccine.
Giit pa ni Galvez ang lahat ng mga preparasyon ng siyudad ng Taguig ay patunay na handang-handa na ang siyudad para sa roll out ng national vaccine program ng gobyerno.
Ayon kay Galvez, ang Taguig City ay isang napakagandang ehemplo na maaring pagkunan ng inspirasyon at pamarisan ng ibang mga lokal na pamahalaan.
Sa panig naman ni DILG Undersecretary Epimaco Densing kaniyang napansin na maraming mga innovations na nabanggit si Mayor Cayetano na maaring gawin din ng ibang local government units.
“Siya po ang may pinakamaraming innovative na proposal na ngayon po ay ginagamit ng ating maraming mga mayor hindi lamang dito sa NCR, sina suggest po namin ito sa ibang mga mayors sa iba’t ibang area ng ating bansa,” pahayag ni Densing.
Sa nasabing event, binigyan ng COVID-19 Response Service Award si Mayor Cayetano na isang plaque of appreciation na iprinisinta ng Department of Health (DOH) dahil sa kaniyang exemplary leadership and exceptional commitment sa pagpapatupad ng Covid-19 response sa kaniyang siyudad at sinisiguro ang quality health services sa komunidad.
“We are really happy that Taguig can be considered a model city because we strictly enforce rules, listen to experts, and work closely with the national government. We really want to be a model city in terms of cooperation, unity, and execution,” pahayag naman ni Mayor Cayetano.
Magsisimula ang vaccination strategy ng Taguig sa pamamagitan ng social preparation gaya ng pagsasagawa ng public health information campaign at community-based seminars na gagawin sa iba’t ibang barangays.
Binigyang-diin din ni Cayetano na para matiyak ang kaligtasan ng mga Taguigenos, nasa kabuuang 716 experienced vaccinators lahat may Cold Chain Accreditation ang siyang magsasagawa ng vaccinations sa siyudad.
Inihayag din ng alkalde na mayruong 378 special vaccine teams na may limang miyembro bawat team ang siyang mag-administer sa mga vaccine sa 42 vaccination centers.
Ang nasabing team ay binubuo ng mga screening and assessment personnel, vaccinator, recorder at supervisor.
Nasa P1-billion pondo inilaan ng Taguig para sa pagbili ng bakuna.