Nilinaw ng pamahalaang lokal ng Taguig na walang katotohanan ang anunsiyo ng Makati City na isinasara na nito ang mga health center at lying-in clinics sa 10 enlisted men’s barrios (EMBOS) dahil nag-expire na ang license to operate (LTO).
Ang nasabing 10 EMBO barangays ay iniutos na ilipat sa hurisdiksyon ng Taguig City kasunod ng desisyon ng Supreme Court (SC) noong 2022.
Sa nasabing pahayag, tinawag ng lokal na pamahalaan ng Taguig na mapanlinlang ang mga naturang pahayag dahil hindi kailangan ng mga health center ng License to operate maliban na lamang kung ito ay classified bilang registered primary care facility.
Batay sa pahayag ng Taguig, sinabi nitong iisa lamang registered primary care facility sa EMBO, ito ang Pitogo Health Center, na may lisensyang tatlong taon na may bisa pa.
Lahat ng health centers sa EMBO ay maaring magpatuloy pa rin ang operasyon kung nais pa magbigay ng serbisyo.
Naniniwala ang Taguig na nais lamang ng Makati na hindi mabigyan ng serbisyo ang mga EMBO residents sa mga health centers bilang paghiganti sa deklarasyon ng Supreme Court na illegal na angkinin ng Makati ang jurisdiction ng EMBO barangays.
Dagdag pa ng Taguig ang desisyon ng Makati na pigilin ang mga serbisyo ng mga health center na ito sa mga residente ng EMBO ay nagpapakita ng kanilang kawalan ng pagmamalasakit sa kanilang mga dating residente at nasasakupan.
Idinagdag din nito na ang mga kinatawan nito kasama ang mga kasama ng Makati at ang Department of Health (DOH) ay nagpulong noong Agosto at Setyembre 2023 upang pag-usapan ang proseso ng paglipat kung saan napagkasunduan na ang mga serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan ay hindi maaapektuhan ng turnover ng mga EMBO.
Napagkasunduan din na magkakaroon ng awtoridad at hurisdiksyon ang Taguig sa mga medikal na pasilidad na ito sa Oktubre 1.
Dahil dito, agad na humingi ng pondo ang Taguig para makabili ng mga kinakailangang kagamitan, gamot at kumuha ng mga kinakailangang medical personnel para sa mga pasilidad na ito.
Gayunpaman, ang lahat ng ito ay nauwi sa wala nang nagpasya ang Makati na balewalain ang nakaraang kasunduan na ginawa nito sa Taguig at sa DOH.
Binigyang-diin din nito na ang lupain kung saan matatagpuan ang mga health center na ito ay inilalaan ng estado para sa pangangalagang pangkalusugan ng mga residente ng EMBO at ang pagsasara nito nang basta-basta ay isang malubha at mabangis na krimen.
Idinagdag din ng Taguig na ang pagsasara ay magdudulot din ng pinsala sa mga pasilidad at kagamitan sa loob nito.
Sinabi rin nito na kakaiba ang pagkilos na ito ng Makati dahil tila mas gusto ng mga opisyal nito na hayaang masayang ang mga pasilidad na medikal at kagamitan nito kaysa pagsilbihan ang mga nangangailangang residente ng EMBO barangays.
Nanindigan din ang lokal na pamahalaan ng Taguig na handa itong ipakita ang pagmamay-ari nito sa lahat ng pampublikong pasilidad sa EMBOs at handa itong ibigay ang mga serbisyong kailangan ng mga residente nito.