DAVAO CITY – Nasa state of calamity ang buong lalawigan ng Davao del Norte matapos itong napagdesisyonan sa isang Special Session ng Sangguniang Panlalawigan, dulot umano ng naranasan na mga pag-ulan at pagbaha na epekto ng Shear Line sa maraming bahagi ng Davao Region.
Nabatid na anim na bayan at dalawang lungsod sa lalawigan ang nakaranas ng matinding pagbaha partikular ang lungsod ng Tagum at Panabo; at mga munisipalidad ng Asuncion, B.E. Dujali, Carmen, Kapalong, New Corella, at Santo Tomas.
Nasa 79 na barangay ang binaha at mahigit 47,000 pamilya ang naapektuhan ng kalamidad.
May mga ulat din ng pagguho ng lupa sa mga bayan ng Talaingod at San Isidro.
Ayon kay Vice Governor Oyo Uy, layunin ng rekomendasyon na gamitin ang 30% Quick Response Fund ng Calamity Fund sa lalawigan para sa karagdagang tulong na ihahatid para sa mga residente.
Ayon sa PDRRMO Davao del Norte, 1,100 pamilya na katumbas ng 3,448 indibidwal ang apektado mula sa mga munisipalidad ng Kapalong, Asuncion, New Corella, Braulio E. Dujali, at Tagum City.