DAVAO CITY – Ibinunyag ng Tagum PNP na mayroon silang person of interest sa pagkamatay ng 18-anyos na working student na si Nike Andy Riana Kassim.
Ayon kay Lt. Col. Edgardo Bernardo, hepe ng Tagum City Police, ibinunyag ng isang saksi na sinusundan siya ng isang driver ng motorsiklo na pinaniniwalaang nobyo ng biktima.
Base sa inisyal na imbestigasyon, noong Abril 23 ng madaling araw, nakipagkita ang biktima sa hinihinalang suspek.
Dinala nito ang biktima sa madilim na bahagi ng pinangyarihan ng krimen.
Nabunyag din ng isa pang testigo malapit sa kinaroroonan ng bangkay ng babae na may narinig siyang boses ng babae at lalaki na tila nagtatalo.
Napag-alamang humingi pa ng tulong ang biktima sa kanyang kaibigan sa pamamagitan ng chat ngunit hindi ito pinansin dahil pinaniniwalaang nagbibiro lamang ang biktima.
Ngunit huli na nang makita na binawian na ng buhay ang biktima matapos ang ilang araw na paghahanap.
Nai-turn over na ng PNP Cyber Crime group ang nakasangla na cellphone ni Nike para imbestigahan ang pag-uusap ng biktima at ng diumano’y nobyo nito sa pamamagitan ng chat.
Matatandaan na noong Abril 25 ng hapon nang matagpuan ang biktima sa isang bakanteng lote malapit sa paaralan sa Purok Pine Tree, Magugpo North, Tagum City, Davao del Norte.
Ibinunyag ni Tagum City Mayor Rey Uy na selos ang dahilan ng pagpatay sa naturang working student.
Kasalukuyang gumagawa ng hakbang ang mga awtoridad para tuluyang maaresto ang responsable sa pagkamatay ng biktima.