NAGA CITY – Binigyang-diin ni Vice President Leni Robredo na natural lamang ang naging resulta ng electoral protest na isinampa ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil kilala umano ang kanilang pamilya na pagiging malinis pagdating sa larangan ng pulitika.
Sa pagbisita ni Robredo sa lungsod ng Naga, sinabi nitong dahil sa paglabas ng naturang resulta, nabigyan ng linaw ang impormasyon sa mga naging paratang ni Marcos sa loob ng mahigit apat na taon.
Aniya, masaya siya at welcome sa kanya ang naging resulta dahil maliban sa unanimous ang naging desisyon ay nagmula na ito mismo sa Korte Suprema.
“Supreme Court na ang nagsabing tapos na. Sa akin naman, vindication. Vindication siya sa mahabang panahon na tiniis natin na sinisiraan tayo at nagfe-fake news sila. Ngayon, hindi na kami nagsabi na nagsisinungaling sila, Supreme Court na,” wika ni Robredo.
Sa ngayon abala umano ito sa kanilang mga proyekto kung saan dalawang araw itong mananatili sa naturang lungsod.