DAGUPAN CITY – Nasunog ang isang maliit na kubo o barong barong sa Malta Village sa Barangay Malued sa lungsod ng Dagupan City, Pangasinan.
Ayon kay senior fire officer 3 Marcelo Meneses Jr. ng Bureau of Fire Protection, nag-ugat ang sunog sa naiwang nilulutong pagkain ng alagang aso ng may ari.
Agad namang nirespondehan ng mga bombero ang nasabing sunog.
Nabatid na nagsimula ang sunog bandang alas-7:34 at naapula bandang alas-8:00 ng umaga.
Ang nasunog na kubo na pag-aari ni Rodolfo Ramosa, ay dati daw canteen pero bakante na ngayon.
Humigit kumulang P10,000 ang iniwang danyos.
Ito ang kauna-unahang structural fire sa lungsod mula buwan ng Enero.
Nabatid pa kay Meneses na madalas ay grass fire ang naitatala nila dahil sa mainit na panahon at dulot din ng paglilinis at pagsusunog ng mga basura.
Kaugnay nito nanawagan si Meneses sa publiko na mag ingat sa pagluluto gamit ang kuryente at tiyakin na bago iwanan ang bahay ay tanggalin ang mga nakasaksak na appliance.