Siniguro ni President Lai Ching-te na hinding-hindi yuyuko ang Taiwan sa China sa kabila ng patuloy na ginagawa nitong harassment.
Sa isang mensahe, iginiit ng bagong presidente ng Taiwan na ipagtatanggol ng mga mamamayan ang kalayaan at ang karapatan nito sa kabila ng mistulang pakikialam ng China.
Ayon kay Lai, sa kabila ng panggigipit ng militar ng China ay gumamit pa ang naturang bansa ng mga ‘non-traditional’ na pamamaraan para lamang pilitin ang Taiwan na yumuko at isuko ang kalayaan.
Gayonpaman, naninidigan ang bagong presidente ng Taiwan na ipagpapatuloy nito ang pagprotekta sa teritoryo at sovereignty ng naturang estado.
Maalalang ilang araw matapos manalo si Lai bilang bagong presidente ng Taiwan ay nagsagawa ang China ng war games sa Taiwan Strait kung saan ipinadala nito ang mga gamit pandigma sa naturang lugar, ilang milya lamang ang layo mula sa dalampasigan ng Taiwan.
Ayon sa China, ginawa nila ang war games bilang pagpaparusa o punishment sa naging inaugural speech ni Pres Lai.
Dito ay pinalibutan ng China ang naturang estado ng mga warship, fighter jet, at mga coast guard vessel.
Pagkatapos ng war games ay nagbanta rin ang China na magpapatuloy ang military pressure laban sa Taiwan kapag ipinagpatuloy pa rin ng Taiwan ang paggigiit sa kalayaan nito.