Ipinadala ng Taiwan ang pwersa nito kasunod ng anunsiyo ng China na pagsasagawa ng live-fire drills sa labas ng isla, ayon sa Taiwan defense ministry.
Kinondena din ng Taiwan ang naturang exercises ng China bilang mapanganib.
Ayon sa ministry, nagdeploy ang China ng 32 aircraft sa palibot ng Taiwan bilang parte ng joint combat drill nito at inanunsiyo ang pagsasagawa ng live-fire exercises sa lugar na nasa 40 nautical miles (NM) lang ang layo mula sa timog na bahagi ng self-ruled island.
Subalit, tinugunan naman ito ng Taiwan sa pamamagitan ng pagpapadala ng kanilang sea, land at air assets para maging alerto, mabantayan at matugunan nang naaayon ang naturang exercises ng China.
Sinabi naman ng Taiwan defense ministry na lantarang nilabag ng People’s Liberation Army ng China ang international norms sa pamamagitan ng pagtatalaga ng drill zone sa layong 40 NM lang mula sa baybayin ng Kaohsiung at Pingtung, kung saan isasagawa aniya ng China ang live-fire exercises nang wala man lamang paunang babala.
Hindi lamang umano ito nagdulot ng mataas na panganib sa kaligtasan ng international flights at vessels sa karagatan kundi hayagang probokasyon din ito sa seguridad at stability sa rehiyon.
Ang pagpapaigting nga ng deployment ng China sa mga asset nito sa may palibot ng Taiwan ay sa gitna ng patuloy na paggiit ng higanteng bansa na bahagi ng kanilang teritoryo ang Taiwan, bagay na mariing tinututulan ng Taipei.