Nagpalipad ang China ng 28 warplanes sa palibot ng Taiwan ngayong linggo, kung saan karamihan ay tumatawid sa median line ng Taiwan Strait sa isang hindi tiyak na “long range” mission, ayon sa awtoridad ng Taipei.
Ayon pa sa Taiwan defense ministry, 20 sa mga naturang aircraft ay nakita na simula kaninang umaga, tumatawid sa median line ng daanan ng tubig na naghihiwalay sa Taiwan at mainland China, at pumasok sa timog-silangan at timog-kanlurang air defense identification zone ng isla.
Ang China ay nagsasagawa ng mga misyon tulad ng long range exercises and training, ayon sa defense ministry sa isang pahayag, at idinagdag na sinusubaybayan nito ang sitwasyon sa patrol aircraft at mga barko.
Matatandaan na inaangkin ng Beijing ang democratic Taiwan bilang sarili nitong teritoryo na sakupin isang araw, sa pamamagitan ng puwersa kung kinakailangan. Pinaigting nito ang military at diplomatic pressure sa isla nitong mga nakaraang taon.
Noong nakaraang linggo, nag-ulat ang Taipei ng tumaas na bilang ng mga paglusob ng mga eroplanong pandigma at barko ng China, matapos sabihin ng Beijing na ang mga tropa nito ay nasa “high alert” kasunod ng dalawang barkong pagmamay-ari ng Estados Unidos at Canada na dumaan sa Taiwan Strait ngayong buwan.