-- Advertisements --

Agad na kumilos ang Taiwan matapos pumasok sa kanilang air defense identification zone ang walong nuclear-capable bomber planes at apat na fighter jets ng China.

Ayon sa Defense Ministry ng Taiwan, nag-deploy na sila ng missiles upang “i-monitor” ang panghihimasok.

Halos araw-araw na nagsasagawa ng flight ang China sa katubigan sa pagitan ng katimugang bahagi ng Taiwan at sa Pratas Islands na kontrolado ng Taiwan nitong mga nakalipas na buwan.

Gayunman, isa o dalawang aircraft lamang ang ginagamit ng China sa naturang aktibidad.

Kaya naman, inihayag ng Taiwan na “unusual” ang presensya ng napakaraming Chinese combat aircraft sa nasabing misyon.

“Airborne alert sorties had been tasked, radio warnings issued and air defence missile systems deployed to monitor the activity,” saad sa pahayag.

Wala namang komento sa ngayon ang Beijing.

Una nang sinabi ng China na nagsasagawa sila ng mga exercise upang pangalagaan umano ang soberenya at seguridad ng bansa. (Reuters)