Nakaalerto ngayon ang Taiwan para sa isasagawang military exercises ng China pagkatapos ng inagurasyon ni President Lai Ching-te sa Mayo 20.
Ayon kay Taiwan National Security Bureau Director-General Tsai Ming-yen, sinimulan na ng China na gumamit ng mga hindi pangkaraniwang bagong taktika.
Aniya, kasalukuyang gumagamit ng isang carrot-and-stick approach ang China sa Taiwan sa pag-asang maimpluwensiyahan nito ang China policy ng uupong pangulo ng Taiwan.
Sinabi din ng top security official na kailangang pagtuunan ng atensiyon ng Taiwan ang mga susunod na mangyayari pagkatapos ng May 20 inauguration, mula Hunyo hanggang Nobiyembre kung saan posibleng magsagawa aniya ang Chinese communists ng kanilang regular military drills para paigtingin pa ang pressure sa Taiwan, bagay na tututukan naman aniya ng National Security Bureau ng naturang isla.
Inihayag din ng Taiwan official na 3 beses ng naobserbahan ngayong taon na nagsasagawa ng joint combat readiness patrols ang China sa gabi na kaniyang inilarawan bilang bagong development.
Matatandaan na una ng nagpahayag ng matinding pagtutol ang China sa nanalong Pangulo ng Taiwan na si Lai na itinuturing nito bilang isang dangerous separatist dahil sa pagsusulong nito na magkaroon ng “formal independence” ang Taiwan.
Tulad din kasi ng kasalukuyang Taiwan Pres. na si Tsai Ing-wen, tinututulan ni Lai ang sovereignty claims ng China na ang Taiwan ay isang probinsiya ng People’s Republic of China (PRC).