Bagaman tuluyang humina habang papalayo sa Taiwan, tuloy-tuloy pa ring nararamdaman ng mga Taiwanese ang hagupit ng bagyong Gaemi, mula nang mag-landfall ito kaninang 12 ng madaling araw.
Batay sa inisyal na report, may dalawang katao na ang umano’y nasawi kasunod ng landfall habang daan-daang katao na rin ang napaulat na nasugatan.
Ayon sa Taiwan Central Emergency Operations Center kabilang sa mga nasawi ay isang babaeng nakasakay ng motorsiklo sa Kaohsiung City na nabagsakan ng natumbang kahoy habang isang babae rin mula sa Hualien ang nabagsakan ng pader.
Sa kasalukuyan ay nakakaranas ang Taiwan ng mabibigat na pag-ulan, malalakas na paghangin, at matataas na daluyon, habang pinapanatili ng bagyo ang Category 3 na lakas (205 kph).
Patuloy naman itong kumikilos patawid ng Taiwan Strait at tuluyang tinutumbok ang mainland China sa pamamagitan ng Fujian Province.
Unang lumakas at naging ganap na supertyphoon ang bagyong Gaemi ngunit sa pagpasok niya sa Taiwan ay nabawasan ang lakas nito dahil sa malalaking mga kabundukan.
Maalalang una nang sinuspinde ng Taiwan ang operasyon ng financial market at mga eskwelahan nito, bago pa man ang pagtama ng naturang bagyo.
Sa naging pagtama ng bagyo, mahigit 50,000 na mga kabahayan ang biglaang nawalan ng supply ng kuryente, dose-dosenang flights ang tuluyang nagkansela, habang lahat ng regular train service ay itinigil.
Una nang nalasa ang naturang bagyo dito sa Pilipinas at tinawag itong bagyong Carina.
Nag-iwan ito ng malawakang pagbaha habang daan-daang libong katao ang naapektuhan, inilikas, at nawalan ng tirahan.