Nakisimpatiya ang Taiwan sa Pilipinas kaugnay sa naging marahas na aksyon ng China laban sa maliit na bilang ng ating mga sundalo sa Ayungin Shoal.
Magugunitang pinagtulungan ng napakarami at armadong mga tauhan ng China Coast Guard (CCG) ang mga nasa inflatable boats lamang na mga Pilipino na maghahatid ng supply sa BRP Sierra Madre.
Ayon sa pahayag ng Taiwan Ministry of Foreign Affairs, mapanganib ang ginawa ng China at nagpapalala ito ng regional tensions.
Para sa Taipei, mahalagang maresolba ang hindi pagkakatugma ng mga pananaw at kailangang mapanatili ang kapayapaan na may respeto sa international maritime law.
“China’s dangerous actions against Philippines vessels & personnel have maliciously raised regional tensions. Taiwan condemns violence, opposes attempts to forcefully alter the status quo & calls for peaceful dispute resolution & respect for international maritime law,” saad ng Taiwan ministry.
Maliban sa Taiwan, nauna na ring pumanig sa Pilipinas ang Estados Unidos, Japan at iba pang mga bansa.