-- Advertisements --

Iniulat ng Taiwan nitong Linggo na namataan nila ang nasa 24 na Chinese military aircraft malapit sa isla habang dumadaan ang isang Canadian warship sa Taiwan Strait, isang mahalaga at sensitibong daanan ng tubig.

Ang pagdaan ng Canadian naval vessel ay ang unang transit nito ngayong taon, ayon sa pahayag ng Ministry of Foreign Affairs ng Taiwan. Nangyari ito ilang araw matapos dumaan ang dalawang US ships sa parehong daanan.

Ang Taiwan Strait ay madalas tinatawid ng Estados Unidos at mga kaalyado nito upang pagtibayin ang status nito bilang isang international waterway, na naghudyat ng pagkagalit ng China.

Maaalala na inaaangkin ng Beijing ang Taiwan bilang bahagi ng teritoryo nito kahit hindi nito pinamumunuan ang bansa at patuloy na nagbabanta na sasakupin ito gamit ang puwersa ng militar.

Kinumpirma ng Ministry of Foreign Affairs ng Taiwan na ang HMCS Ottaw, isang Halifax-class frigate ng Royal Canadian Navy, ay dumaan sa Taiwan Strait nitong Pebrero 16.

Nababatid na binanggit ng Canada na ang nais nitong suportahan ang kalayaan, kapayapaan, at bukas na kalakalan sa Taiwan Strait.

Bilang tugon sa pagdaan ng Canadian warship, iniulat ng Ministry of National Defense ng Taiwan na nagsagawa ang China ng “joint combat readiness patrols” sa paligid ng isla, gamit ang 24 na aircraft, kabilang ang mga fighter jet at drone, pati na rin ang mga military vessels.

Iniulat din ng mga Taiwanese media na habang dumadaan ang Canadian warship, nag-radyo umano ang militar ng China at nagbabala sa barko na magbago ng ruta.

Ang mga kamakailang aktibidad ng militar ng US sa Taiwan Strait ay nakatanggap din ng kritisismo mula sa Beijing. Noong Pebrero 10, isang US destroyer kasi at isang ocean survey ship ang dumaan sa strait, na tinawag ng China na isang “maling signal” na nagpapataas ng panganib sa seguridad.

Samantala ayon sa datos mula sa Ministry of National Defense ng Taiwan, 62 Chinese military aircraft ang kanilang na monitor malapit sa isla sa loob ng 48 oras, kasabay ng pagdaan ng mga US ships.

Ang pinakabagong mga hakbang ng US sa Taiwan Strait ay nagmarka ng unang pagkakataon mula noong panahon ng administrasyon ni US President Donald Trump, kasunod ng pahayag nina Trump at Japan Prime Minister Shigeru Ishiba na tinutulan nila ang anumang pagtatangka baguhin ang status quo ng Taiwan Strait sa pamamagitan ng puwersahang pananakot dito.