-- Advertisements --

TAIPEI – Binulabog ng magnitude 6.0 na lindol ang Taiwan nitong Huwebes ng hapon.

Sa datos mula sa US Geological Survey (USGS), naganap ang pagyanig dakong ala-1:01 ng hapon na may epicenter na 19 kms sa Hualien county.

Pero sa central weather bureau ng isla, inilagay nila sa 6.1 ang magnitude ng lindol.

Batay sa mga ulat, nag-ugaan ang mga highrise building, habang nagtakbuhan naman papalayo ang mga estudyante sa kanilang mga silid-aralan sa Yilan county.

Isinara na rin ng mga otoridad ang isang highway na nagdudugtong sa Yilan at Hualien dahil sa panganib ng mga gumuguhong bato.

Binalaan naman ng Japan Meteorological Agency ang mga naninirahan sa mga coastal areas na maaari umano silang makapansin ng mga pagbabago sa sea levels.

Gayunman, tiniyak naman nito na hindi magkakaroon ng tsunami kasunod ng pagyanig.

“Due to this earthquake, Japan’s coastal areas may observe slight changes on the oceanic surface, but there is no concern about damage,” saad ng ahensya. (AFP)