-- Advertisements --

Naghahanda na ang Taiwan sa inaasahang pananalasa ng bagyong Kong-Rey o may Philippine local name na bagyong Leon.

Mula kahapon, sinimulan na ng mga local na pamahalaan sa Taiwan na kanselahin ang pasok sa eskwelahan at mga trabaho upang makapaghanda ang bawat pamilya laban sa pananalasa ng naturang bagyo.

Kabilang sa mga pinaghahandaan ng naturang estado ay ang malalakas na bugso ng hangin na maaaring umabot sa 226 kph.

Maliban dito, pinaghahanda rin ng Taiwan Central Weather Administration (CWA) ang mga residente laban sa torrential rains na maaaring tumagal ng mahabang panahon.

Kinabibilangan ito ng Yilan County at Hualien County; Keelung, Taipei; New Taipei, at Taitung County; at Taoyuan at Pingtung County.

Inabisuhan na rin ng pamahalaan ng Taiwan ang mga residente na magsagawa na ng maagang paglikas kung kinakailangan, kasabay ng pagbubukas sa mga local evacuation center ng naturang estado.

Batay sa pagtaya ng Central Weather Administration, maaaring makaranas ng mabibigat at tuloy-tuloy na pag-ulan ang malaking bahagi ng Taiwan mula ngayong umaga hanggang bukas, Nov.1 dahil sa naturang bagyo.