Pinayuhan ng Taiwan ang kanilang mamamayan na iwasan ang pagbiyahe sa China at mga teritoryo nito na Hong Kong at Macao.
Ito ay kasunod ng mga banta mula sa China na papatawan ng parusang kamatayan ang mga sumusuporta sa kasarinlan ng self-ruled island.
Inisyu ni Taiwan spokesperson at deputy head of the Mainland affairs Council Liang Wen-chieh ang naturang abiso nitong araw ng Huwebes sa gitna ng tumitindi pang mga banta ng China sa Taiwan na inaangkin nito bilang parte umano ng kanilang teritoryo kung saan hindi umano mangingimi itong gumamit ng pwersa kung kinakailangan.
Nilinaw naman ng Taiwan official na hindi ipinagbabawal ng kanilang gobyerno ang pagbisita sa nasabing mga teritoryo subalit ipinaalala nito na ang mga babiyahe doon ay hindi dapat na magpahayag ng political opinions o magdala ng mga aklat o mag-post online kaugnay sa mga usapin na maaaring gamitin ng authoritarian Communist Party para ikulong at usigin sila.
Una rito, nasa daan-libong mga mamamayan ng Taiwan ang naninirahan sa China o bumabiyahe para sa negosyo, mamasyal o bisitahin ang kanilang pamilya kada taon.
Naghohost din ang China ng local taiwanese officials at leaders ng oposisyon na Nationalist Party na bumibisita sa giant country na nagsusulong ng tuluyang unification sa pagitan ng Taiwan at China.