Nangako si Taiwanese President Lai Ching Te na papanatilihin ang self-governing status ng Taiwan kasabay ng pagdiriwang ng 113th National Day ng Taiwan ngayong araw, Oktubre 10.
Sa kaniyang talumpati, sinabi ni Pres. Lai na kaniyang pagtitibayin ang commitment na labanan o pigilan ang annexation at panghihimasok sa kanilang soberaniya.
Tiniyak din ni Lai ang pagpapanatili ng status quo ng kapayapaan at stability sa Taiwan Strait bagamat nangakong makikipagtulungan sa China kaugnay sa mga isyu gaya ng climate change, paglaban sa infectious diseases at pagpapanatili ng seguridad sa rehiyon.
Inihayag din ni Pres. Lai na hindi subordinates sa isa’t isa ang People’s Republic of China at Taiwan. Wala rin aniyang karapatan ang China na irepresenta ang Taiwan dahil sa kanilang lupain, namamayani ang demokrasiya at kalayaan.
Ginawa nga ng Taiwanese President ang naturang pahayag sa harapan ng mamamayang Taiwanese kasabay ng pagdiriwang ng Taiwan National Day, 9 na araw matapos namang ipagdiwang ng China ang kanilang 75th anniversary.
Matatandaan, una ng sinabi ni Pres. Lai noong nakaraang linggo na imposibleng maging motherland ng Taiwan ang China dahil di hamak na mas naunang naitatag ang gobyerno ng Taiwan na Republic of China noong 1911, ilang dekada bago pa maitatag noong 1949 ang kasalukuyang Communist regime ng mainland China.