Nagbabala si Taiwanese President Lai Ching-te na hindi titigil sa Taiwan ang lumalawak na ‘authoritarianism’ o mistulang diktadorang pananaw ng China.
Sa naging mensahe ni Lai sa taunang Ketagalan Forum on Indo-Pacific security na ginanap sa Taipei, sinabi ng presidente na hindi lamang Taiwan ang target ng China na patawan ng pressure.
Ikinatwiran ng Taiwanese president na nais ng China na baguhin ang international order na nakabatay sa batas.
Makikita aniya ang ‘military expansionism’ ng China sa iba pang panig ng mundo, tulad na lamang sa kamakailang military exercise kasama ang Russia na isinagawa sa West Phil Sea, Western Pacific, at Sea of Japan.
Ang mga naturang aksyon aniya ay ginawa ng China upang takutin ang mga karatig-bansa nito at panghinain ang katatagan at kapayapaan sa Asia Pacific Region.
Dahil dito ay hinimok ng presidente ang mga bansa sa buong mundo na magtulungan upang pigilan at kondenahin ang mistulang pagiging diktador at pambubully ng China sa iba pang mga bansa.
Nanindigan naman ang Taiwanese president na hindi panghihinaan ng loob ang Taiwan at patuloy nitong igiit ang soberanya, kasabay ng pakikipagtulungan upang mapanatili ang katatagan at kapayapaan sa Taiwan Strait at buong Indo-Pacific Region.