Nanawagan ng pagkakaisa si Taiwan President Lai Ching-te laban sa umano’y pagiging banta ng China.
Ginawa ng ni Pres. Lai ang apela sa Inter-Parliamentary Alliance on China Summit na dinaluhan ng mga parliamentarian mula sa iba’t-ibang mga bansa katulad ng Uruguay, Canada, Japan, UK, at 19 na iba pang mga bansa. Isa sa mga pangunahing alalahanin ng grupo ay ang paraan ng pakikitungo ng China sa ibang mga bansa.
Sa naging mensahe ni Pres. Lai sa grupo ng mga mambabatas, binigyang-diin nito na ang banta ng China sa anumang mga bansa ay nagiging banta din sa buong mundo.
Gagawin aniya ng Taiwan ang lahat upang pairalin ang prinsipyo ng demokrasya at makipagtulungan sa mga democratic partners nito.
Kasabay nito ay nagpasalamat si Lai sa mga bansang sumusuporta sa Taiwan, sa kabila ng banta na umano’y ipinupukol ng China sa Taiwan.
Tiniyak naman ng bagong Taiwan leader na nakahanda ang kanyang administrasyon na makipag-diyalogo sa China upang maabot ang kapayapaan at stability sa pagitan ng China at Taiwan.
Si Lai ay tinatawag ng China bilang isang ‘dangerous separatist’ dahil sa kanyang paninindigan sa sariling soberanya at otoridad ng Taiwan, bagay na ikinagagalit ng mainland China.
Ilang araw matapos siyang manalo bilang pangulo, agad nagsagawa ang China ng war games sa palibot ng Taiwan at nagpadala ng fighter jets at naval vessel bilang ‘punishment’ umano sa paninidigan ng bagong presidente.