-- Advertisements --

Aalisin na ng Taiwan ang entry suspension para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) simula sa susunod na linggo.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III ang hakbang na ito ng Taiwan ay magbibigay ng oportunidad sa 40,000 manggagawang Pilipino.

Nauna nang ianunsiyo ng Central Epidemic Command Center ng Taiwan ang muling pagbubukas ng borders nito para sa mga Filipino migrant workers simula sa Pebrero 15.

Nagpasalamat naman si Bello sa Taiwan sa pagtanggap muli ng mga Pilipino sa iba’t ibang employment industries sa naturang bansa.

Pinuri rin ng kalihim ang patuloy na pagrepaso ng Taiwan sa mga panuntunan nito sa paggawa upang maprotektahan pa lalo ang mga karapatan ng migrant workers kabilang ang mga Pilipino.

Ayon kay Philippine Overseas Labor Office (POLO) Taipei Labor Attaché Cesar Chavez, dapat mahigpit na sumunod ang mga migrant workers sa mga alituntunin ng Central Epidemic Center ng Taiwan.

Ang mga manggagawang Pilipino ay dapat fully vaccinated na kontra COVID-19 bago sila pumasok sa Taiwan.

Dapat din na asikasuhin ng mga employer ang hotel kung saan mag-quarantine ang mga dumarating na migrant workers.

Pagkatapos na makumpleto ang 14 days quarantine ay dapat silang manatili sa parehong hotel sa loob ng karagdagang pitong araw bago pumunta sa kanilang workplace.

Dapat ding sundin ang iba pang mga health protocols kabilang ang pagsusuri sa RT-PCR.

Kailangan din ng medical insurance kung sakaling magkaroon ng mga kumpirmadong kaso at ang RT-PCR test ay kinakailangan din kaagad pagkadating sa Taiwan

Nagbabala naman ang Taiwanese epidemic center kung ang employer ay hindi sumunod sa alinman sa mga probisyon at iba pang alituntunin ay katumbas ito ng paglabag sa Employment Service Law at maaari ding magresulta sa revocation o pagbawi ng kanilang employment.