-- Advertisements --

Pinayagan na ng Sandiganbayan ang hiling ni dating Philippine National Police (PNP) chief Alan Purisima na maka-biyahe patungong Taiwan sa kabila ng patung-patong na kasong hinaharap nito.

Batay sa resolusyon ng parehong 6th at 2nd Division’s ng anti-graft court, nakasaad ang pag-payag ng kapwa korte sa travel motion ni Purisima mula June 16 hanggang 20.

Ayon sa korte, isa sa mga naging basehan ng approval ang hindi pagharang dito ng prosekusyon.

Kung maaalala, nahaharap sa kasong katiwalian ang former PNP chief dahil sa maanomalyang kontrata nito noon para sa renewal ng lisensya ng mga armas sa kanyang tanggapan.

May reklamong perjury din ito na hinaharap kaugnay naman ng hindi raw nito pagdedeklara ng ilang ari-arian sa Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth nito.

Bukod sa nabanggit na mga reklamo, nadawit din ang pangalan ni Purisima sa madugong Mamasapano massacre na ngayon ay nakabinbin dahil sa inilabas ng Korte Suprema na temporary restraining laban dito.