CAUAYAN CITY – Takot at trauma umano ang dahilan ng isang manager ng bangko na tsuper ng Toyota Fortuner kaya hindi agad na sumuko matapos na na takbuhan ang tsuper ng motorsiklo na kanyang nabangga sa Sillawit, Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt.Col. Ernesto Nebalasca Jr., hepe ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na batay sa salaysay ng pinaghihinalaan na si Roberto Agcaoili, nanaig sa kanya ang takot kaya niya tinakbuhan ang biktimang si Sandara Bareng, 19-anyos, estudyante at residente ng naturang lugar.
Inihayag umano ni Agcaoili na hindi siya nagtago at nanatili lamang sa kanyang bahay sa San Fermin, Cauayan City.
Dahil sa tulong ng ilang concerned citizen na nagbahagi ng kanilang dashcam video at ilan pang litrato ay natunton nila ang SUV sa naturang barangay.
Nagpasalamat naman si PLt.Col. Nebalasca sa mga tumulong sa kanila upang matunton ang pinaghihinalaan.
Samantala, malaking ginhawa ngayon sa pamilya Bareng ang pagsuko na ng tsuper ng Toyota Fortuner na nakabangga at nakapatay kay Sandara Bareng.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Sherwin Bareng, ama ng biktima sinabi niya na tila nabunutan sila ng tinik dahil kahit paano ay mabibigyan na ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang anak matapos na sumuko ang pinaghihinalaan.
Sinampahan si Agcaoili ng kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide at Damage to Property.
May inisyal na silang pag-uusap sa bahay ni Atty. Paul Maurico dahil natatakot umanong pumunta sa kanilang bahay ang pinaghihinalaan.
Labis ang pasasalamat ni Ginoong Bareng sa lahat ng mga tumulong upang matukoy ang pinaghihinalaan gayundin sa lahat ng mga nagbigay ng impormasyon sa kinaroroonan nito matapos tumakas nang mangyari ang aksidente.
Nanawagan naman siya sa mga nais magpaabot ng tulong para sa iba pang gastusin at sa hindi pa nila nababayarang funeral services ng kanyang anak.