-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Unti-unti nang nanumbalik ang sigla sa talabahan village sa bayan ng New Washington at nakapagbenta na rin ang mga negosyante ng iba’t ibang uri ng shellfish sa mga pampublikong pamilihan sa lalawigan ng Aklan.

Kasunod ito sa pagnegatibo sa paralytic shellfish poison o red tide toxin sa coastal waters ng Altavas, Batan at New Washington sa Batan Bay sa probinsya ng Aklan.

Ayon sa negosyanteng si Shella Aguirre, taos-puso silang nagpapasalamat sa Panginoon dahil dininig ang kanilang panalangin at kaagad na may mga lokal na turistang sumadya sa kanilang kainan upang makakain ng talaba at iba pang uri ng shellfish matapos malaman na ligtas na itong kainin.

Halos isang buwan aniya na natengga ang kanilang negosyo dahil ito lamang ang dinadayo sa nasabing lugar at pinagkakakitaan nila sa pang araw-araw na pamumuhay.

Sa kasalukuyan aniya ay sapat ang supply ng talaba (oyster) at tahong (mussel) sa lalawigan at inaasahan na magtuloy-tuloy ang pagbangon ng kanilang negosyo.