Pinuri ng Taliban administration ang hakbang ng Amerika sa pagbibigay ng humanitarian assistance sa Afghanistan.
Inihayag ng tagapagsalita ng Ministry of Foreign Affairs of the Islamic Emirate of Afghanistan (IEA) Abdul Qahar Balkhi na bukas sila sa desisyon ng US Treasury Department na pahintulutan ang mga ahensiya ng US government kabilang ang mga international at non-governmental organization at mga bangko sa pagtulong sa pamimigay ng kinakailangang pagkain at medisina sa mamamayang Afghans.
Kasabay nito, umaasa ang Taliban na patuloy na mapaganda ang ugnayan ng Afghanistan sa lahat ng mga bansa kabilang na ang Amerika at international organizations gayundin ang patuloy na paghahatid ng humanitarian aid sa mga Afghans.
Nauna rito, nag-isyu ang Amerika noong nakalipas na linggo ng general licenses na nagbibigay ng pahintulot sa US government, non-government organizations at ilang international organizations para sa pagbibigay ng humanitarian assistance sa Afghanistan.