CENTRAL MINDANAO-Dulot ng kalat-kalat na sagupaan ng magkaaway na grupo isinailalim sa State of Calamity ang bayan ng Talitay Maguindanao.
Inaprubahan ni Mayor Montasir Sabal ang rekomendasyon ng Sangguniang bayan at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office na isailalim sa State of Calamity ang bayan ng Talitay.
Matatandaan na sumiklab ang matinding engkwentro sa pagitan ng mga armadong tagasuporta ni Mayor Sabal laban sa nagsanib na pwersa ng pamilya Watamama at Amiril.
Nag-ugat ang engkwentro nang patayin ng mga armadong tauhan ni Mayor Sabal ang isang 16 anyos na binatilyo sa Barangay Gadungan Talitay.
Humihingi ng saklolo ang pamilya Watamama sa grupo ni Kumander Amiril ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na kanilang kamag-anak at sinalakay ang kanilang mga kalaban kung saan nakubkob nito ang isa sa mga tahanan ni Mayor Sabal sa Brgy Gadungan.
Tumindi pa ang engkwentro ng dalawang grupo at nagsilikas ang mahigit 700 pamilya mula sa Brgy Pageda at Gadungan.
Umaabot na umano sa pito ang nasawi at 13 ang sugatan ngunit hindi pa ito makomperma ng mga otoridad.
Nasa palibot lamang ang pwersa ng militar at pulisya,kung saan hinayaan muna nilang kumilos ang MILF-Cordinating Committee on Cessation of Hostilities (CCCH) na maresolba ang gulo.