CENTRAL MINDANAO – Nagdulot ng takot sa mga sibilyan ang dalawang magkasunod na pagsabog sa isang bayan sa probinsya ng Maguindanao.
Ayon kay Maguindanao police provincial director Colonel Ronald Briones, ginulantang nang dalawang pagsabog ng eksplosibo ang Brgy Poblacion sa Talitay, Maguindanao.
Dalawang bala ng M203 grenade launchers ang pinaputok ng mga hindi kilalang suspek ilang minuto lamang matapos ang Taraweeh prayer.
Sumabog ang dalawang eksplosibo sa isang bakanteng lote malapit sa public market sa bayan ng Talitay at maswerteng walang nasugatan.
Matatandaan na bago ito, sangkaterbang matataas na uri ng armas, mga high explosives, mga bala, anti–personnel mines at improvised explosive device (IED) ang narekober ng militar sa Brgy Bentan at Brgy Kilalan, Talitay na iniwan ng dalawang grupo o mga private armed groups (PAGs) na nagkasagupa nagresulta sa paglikas ng mga sibilyan.
Sa ngayon ay hinigpitan pa ng militar at pulisya ang seguridad sa bayan ng Talitay.