-- Advertisements --

DAGUPAN CITY – Inaasahan umanong magiging maganda ang takbo ng ekonomiya sa bayan ng Bayambang, Pangasinan sa mga susunod na buwan.

Kasunod na rin ito ng nasungkit na panibagong titulo sa Guinness Book of World Record bilang Highest and Tallest Bamboo Structure sa buong mundo.

Ayon kay Rafael Saygo, tourism officer sa nabanggit na bayan, malaking ambag sa ekonomiya ng Bayambang ang nakuhang titulo.

Dahil dito, posible aniyang gumanda at mapalawig pa ang kanilang mga infrastructure projects lalong-lalo na sa agrikultura.

Bukod pa rito, makakatulong din umano sa turismo ng bayan ang kanilang bagong record na kalaunan ay posible umanong makilala bilang isa na sa tourist spot sa probinsya.

Una rito, kinilala ang estatwang kawayan ni St. Vincent Ferrer bilang pinakamataas na bamboo structure na may sukat na 50.23 meters.

Tinalo ng nasabing istatwa ang Statue of Liberty ng New York na may sukat lamang na 30 meters at Christ the Redeemer sa Brazil na tinatayang nasa 38 meters lang.