Kinumpirma ng Netherlands baseball and softball association na sumakabilang-buhay na ang tinaguriang “tallest baseball player” na si Dutch pitcher Loek Van Mil sa edad na 34.
Nagpaabot naman ng pakikiramay ang naturang asosasyon sa pamilyang naiwan ng manlalaro.
“The KNBSB is very grateful to Mil for what he has done in his career for Dutch baseball and wishes the surviving relatives strength to cope with this major loss,” nakasaad sa inilabas na pahayag ng organisasyon.
Hindi naman ito nagbigay ng detalye hinggil sa dahilan ng pagkamatay ni Mil.
Si Van Mil ay may taas na 7-feet 1-inch. Ginugol nito ang kaniyang karera sa minor leagues kung saan lumaban ito laban sa iba’t ibang koponan.
Naglaro na rin ito para sa Japan Pacific League, Dutch Major League at Australian Baseball League.
Naging representative na rin ang nasabing manlalaro para sa Netherlands kung saan lumaban ito sa World Baseball Classic.
Nasangkot si Van Mil sa hiking accident noong Disyembre sa Australia kung saan nagtamo ito ng multiple fractures, pagdudugo ng utak at ilang head injuries matapos nitong mahulog at tumama ang kaniyang leeg sa bato.
Ilang buwan matapos ang insidente ay kaagad na inanunsyo ni Van Mil ang kaniyang retirement mula sa paglalaro ng baseball.