-- Advertisements --

Umikot sa ilang malalaking paksa ang talumpati ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa 77th United Nations General Assembly (UNGA) na idinaraos sa New York City sa Estados Unidos.

Si Pangulong Marcos ang unang lider sa Association of Southeast Asian Nations na nagsasalita sa nasabing aktibidad.

Tumagal ito ng nasa 20 minuto, kung saan nagsimula pasado alas-3:00 ng madaling araw (oras sa Pilipinas).

Kabilang sa natalakay niya ang food security, rule of law at climate change.

Binigyang diin din nito ang hamon sa malalaking bansa na pangunahan bilang halimbawa ang pagtugon sa climate issues, kasama na ang pagpapababa o pag-alis ng carbon emissions.

Hinimok din nito ang malalaking bansa na alalayan ang maliliit na estado upang walang maiwanan sa hinahangad na pandaigdigang pag-unlad.

Binanggit din ng Pangulo ang malaking papel ng mga Pinoy sa pagharap sa COVID-19 pandemic, lalo na ang ating frontline health workers sa iba’t-ibang sulok ng daigdig.

Sa huli, hinikayat ng presidente ang lahat na panatilihin ang kapayapaan at higpitan ang mga patakaran sa pagkalat ng armas, lalo na ang mapaminsalang mga kagamitan.