-- Advertisements --

Nakatakdang simulan na ang paggawa sa Tandang Sora Station ng Metro Manila Subway Project ngayong darating na linggo ng hatinggabi.

Ito ay ang ikatlong istasyong gagawin kasunod ng North Avenue at Quirino Highway station na mas naunang umpisahan.

Ibinahagi ni Engineer Antonio Aganon Jr., Chief Engineer ng private contractor sa naturang proyekto, kinakailangan na mailihis ang linya ng trapiko upang magawa ang istasyon sa Mindanao Avenue.

Dahil dito, isasara ang dalawang bahagi ng Mindanao Avenue upang magbigay daan sa proyektong gagawin na Metro Manila Subway, Tandang Sora station.

Gayunpaman, mayroong ginawang mga diversion roads sa maapektuhang Southbound lane at Northbound lane na may kaparehas na bilang ng linya sa isinarang mga linya.

Sinabi din ni Engineer Aganon Jr. na magkakaroon naman ng iba pang mga alternatibong ruta na maaring daanan ng mga motorista.

Sa gagawing istasyon, maapektuhan ang nasa 100,000 motorista na dumadaan sa Southbound lane habang higit 70,000 namang byahero sa Northbound lane ng Mindanao Avenue.

Samantala, nilinaw naman ni Atty. Don Artes, ang chairman ng Metropolitan Manila Development Authority na hindi naman umano masyadong bibigat ang daloy ng trapiko sa pagsisimula ng naturang proyekto.

Giit niya, walang dapat ikabahal ang publiko sapagkat naglaan naman ng panibagong diversion roads sa kahabaan ng maapektuhang bahagi sa Mindanao Avenue.