Matapos ang seryosong mga usapan at pagpupulong, hinandugan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng isang state banquet si Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad, kaugnay ng kanyang dalawang araw na state visit sa Pilipinas.
Bumandera sa menu ang ilan sa mga pagkaing Asyano, gaya ng parcels of lobster-rice noodle salad; ASEAN-inspired oxtail consomme; tandoori king prawn; guyabano sorbet; duo of bistek manilenya and seabass penang; at frozen halo halo ice parfait.
Tampok din sa programa ang ilang mga tradisyunal na sayaw gaya ng “Mantones de Seda,” “Usahay,” “Zapateados,” at “Panderetas de Amor.”
Kasama rin sa mga nagtanghal ang Sining Kumintang ng Batangas, Korean baritone na si Byeong-in Park, at mag-asawang sina Isay Alvarez at Robert Seña.
Una rito, sa kanyang talumpati sa state dinner, inihayag ni Pangulong Duterte ang kanyang pagkagalak sa naging papel ng Malaysia upang makamtan ang kapayapaan sa Mindanao.
“Prime Minister Mahathir Mohamad returns to Manila with a profound understanding and deep appreciation of the ties that bind the Philippines and Malaysia. He shares the conviction that realizing the promise of Mindanao is crucial for all stakeholders in the region,†wika ni Duterte.
Bago ito, sumentro sa naging bilateral meeting nina Pangulong Duterte at Mahathir ang pagpapatibay ng ugnayan ng Pilipinas at Malaysia, at sa kooperasyon sa usapin ng seguridad lalo sa paglaban sa terorismo, pamimirata o priracy at iba pang transnational crimes.
Nagkasundo rin umano ang dalawang lider na dapat daanin sa payapang resolusyon ang mga agawan sa teritoryo sa nasabing karagatan, kung saan hindi hahantong sa paggamit ng pagbabanta o anumang pwersa, bagkus alinsunod sa itinatakda ng international law.
Sa panig naman ni Prime Minister Mahathir, tiniyak nito ang kahandaan ng Malaysia na manatiling partner sa pag-unlad ng Mindanao.
Inihayag ni Mahathir na sa pagkakatatag ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARRM) kasunod ng ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL), dapat pang palawakin ng Pilipinas at Malaysia ang ugnayang pangkalakalan.