Nakahanda raw dumulog ang Alyansa ng Mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino (Tanggol Wika) sa kongreso at senado kapag hindi pakikinggan ng Supreme Court (SC) ang kanilang hirit na baliktarin ang pagkatig nila sa desisyon ng Commission on Higher Education (CHED) na alisin ang Filipino at panitikan bilang core courses sa kolehiyo.
Ayon kay Tanggol Wika convenor David Michael San Juan, maghahain sila ng protest letter sa Korte Suprema ngayong araw na naggigiit na mali ang desisyon ng Korte Suprema sa naturang usapin.
Hiniling din ng grupo sa Supreme Court (SC) na muling buksan ang kaso at magpatawag ng public hearing o oral argument para mapag-usapan ang naturang kaso at iba pang kaso na may kinalaman sa K-12 program ng pamahalaan.
Nakikipag-ugnayan na rin umano ang Tanggol Wika sa Commission on Higher Education (ChEd) para magsagawa ng dayalogo para maibalik ang Filipino at Panitikan na core subject sa kolehiyo.
Umaasa ang grupo na pakikinggan sila ng ChEd maging ng mga kongresista at senador sa kanilang layunin na maibalik ang dalawang subject sa kolehiyo.
Una rito naghain ang Tanggol Wika na isang grupo ng mga propesor, mag-aaral, manunulat at cultural activist ng motion for reconsideration sa Korte Suprema dahil sa ruling nito noong Oktubre 9 kaugnay sa ChEd Memorandum Order No. 20, na nagtatanggal sa Filipino at panitikan bilang core subjects sa kolehiyo.