Napigilan ng mga sundalo ng Phil Army ang tangkang pagpapasabog sa Bgy Satan, Sharif Aguak, Maguindanao matapos na marekober at ma-disarmahan ang isang improvised explosive device (IED) sa lugar kahapon ng umaga.
Ayon kay Western Mindanao Command (Wesmincom) Commander Lt. Gen. Corleto Vinluan, inalerto ng isang concerned citizen ang 1st Mechanized Infantry Battalion tungkol sa presensya ng IED sa kanilang barangay.
Agad namang na-“cordon” ng mga tropa area, at mabilis na dinisarmahan ng 32nd Explosive Ordnance Disposal Team ang IED.
Ayon kay Lt. Col. Cresencio Sanchez, Commanding Officer ng 1Mech Battalion, ang IED ay gawa sa 81mm mortar round at dalawang RPG Projectiles na may “radio-controlled detonator”.
Pinuri ni Col. Ferdinand Lacadin, Acting Commander ng 1st Mechanized Infantry Brigade at Maj. Gen. Juvymax Uy, Commander ng Joint Task Force Central, ang mga tropa sa mabilis na aksyon.
Sa datos ng Wesmincom, mula January 1,2021 nasa 15 pampasabog na ang narekober ng militar, kung saan pito ay sa Sulu, isa sa ZamPeLan area, at pito sa central Mindanao.
Nanawagan naman si MGen. Uy sa publiko na makiisa sa militar para labanan ang terorismo at matiyak ang kaligtasan ng lahat.
“The successful recovery of the IED is due to the vigilance and cooperation of the residents and the timely action of soldiers. This exemplifies that with the collective efforts of the communities and the government forces, terrorism has no place in the society,” wika ni Maj. Gen. Juvymax Uy.
Sa kabilang dako, sinabi ni Vinluan nagpapatuloy ang imbestigasyon para matukoy kung sino ang nasa likod sa tangkang pagpapasabog.
“I commend all our Joint Task Forces for a job well done. Carry on your good work as we continue our relentless campaign to defeat the local and communist terrorist groups and promote internal security in our joint area of operations,” pahayag ni Vinluan.