-- Advertisements --
OCCIDENTAL MINDORO GOV ED GADIANO 1
Occidental Mindoro Gov Eduardo Gadiano

Nagpaliwanag ang suspek na nagtangkang pumatay kay Occidental Mindoro Gov Eduardo Gadiano ay dahil umano sa “prophecy.”

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo kay Gadiano, nakausap na raw niya ang suspek matapos na maaresto ito sa loob ng kanyang opisina.

Kinilala ni Gadiano ang suspek na si Adrianne Gatdula.

Una rito, Martes nitong umaga nang pumasok daw sa kanyang opisina si Gatdula at pinatuloy naman dahil kakilala ito at maluwag din ang kanyang tanggapan para sa kanyang mga constituents.

Pero bigla na lamang daw tinarget si governor ng sunod-sunod gamit ang tatlong kutsilyo.

Buti na lamang mabilis na nakailag si Gadiano, 57, sa pag-spin sa kanya.

Kaya naman daw mabilis siya nakaiwas ay dahil sa kanyang reflexes.

Hanggang sa pinagtulungang maaresto ang suspek.

mindoro gov ed gadiano

“Una nakaupo ako pag-spin niya nakailag tayo. Noong hindi tamaan, diretso pa rin may dalang kutsilyo. Nag-commotion na kami doon buti may isa akong kasama ako doon sa loob na may isang upuan na ipinangharang sa kanya,” dagdag pang pahayag sa Bombo Radyo ni Gov. Gadiano. “Presence of mind lang nakatingin ako doon sa kamay niya, hindi doon sa kanyang mukha na mukhang galit kundi doon sa kanyang kamay na may kutsilyo na ating tiningnan.”

Ayon pa sa opisyal nang tanungin niya si Adrianne kung bakit tinangka siyang patayin ang sagot naman daw sa kanya ay dahil sa “prophecy.”

Itinuro din ng suspek ang hawak nito na cellphone na nandoon umano ang “kasagutan.”

Sinabi naman ni Gov. Gadiano aalamin nila sa cellphone kung merong nag-utos na i-assassinate siya o kaya merong grupo.

Sa ngayon balak niyang kasuhan si Gatdula.

“Nang tinanong ko sabi niya prophecy lang daw. Ewan ko kung anong prophecy sinasabi niya,” kuwento pa ng gobernador.

Samantala sa panayam din ng Bombo Radyo kay PNP Col. Joseph Bayan, ang provincial director ng Occidental Mindoro, sinabi nito na gumamit daw ang suspect ng tatlong kutsilyo na may haba na apat hanggang limang pulgada.

OCCIDENTAL 3
Col. Joseph Bayan, Occidental Mindoro provinc’l director

Kanila ring napag-alaman na si Adrianne ay dating nagtatrabaho sa Cavite bago ang lockdown bunsod ng COVID pandemic.

Duda naman si Col. Bayan sa tamang pag-iisip ng suspek lalo na at ang idinadahilan nito sa kanyang iginawi ay may kinalaman umano sa “prophecy.”

Sa ngayon si Gatdula ay nakakulong na sa Mamburao police station matapos isailalim sa medical examination.