KORONADAL CITY – Napigilan ng militar ang tangka na namang pamomomba ng mga local terrorist group sa lalawigan ng Maguindanao.
Ito ay matapos na narekober ng mga sundalo ang isang sakong mga components ng IED sa Barangay Buayan, Datu Piang, Maguindanao.
Ayon kay Lt. Col. Anhouvic Atilano, tagapagsalita ng 6th ID Philippine Army, narekober ang mga IED habang nagsasagawa ng patrolya ang mga sundalo matapos makatanggap ng report sa tangkang pagsalakay ng grupo ng BIFF-Dawlah Islamiya.
Agad na kinordon ng tropa ang lugar kung saan narekober ang mga components ng IED kabilang na ang UXO o Rifle Grenade kung saan pinasabog ng Explosive Ordnance Disposal Team ang mga ito upang hindi na makapaminsala pa.
Malaki ang paniniwala ng militar na gagamitin ang nasabing mga IED sa pagsasagawa ng karahasan ngayong holiday season.