Iginiit ni Senadora Grace Poe na hindi dapat pahintulutan ng mga otoridad na bumalik ang “tanim bala” modus sa mga paliparan sa bansa na nakagagambala sa mga pasahero.
Pahayag ito ni Poe, dating chairman ng Senate Committee on Public Services, matapos umanong paghinalaang may basyo ng bala ang bagahe ng isang 69-anyos na babae na babiyahe patungong Vietnam kasama ang kanyang pamilya noong ika-6 ng Marso sa NAIA Terminal 3.
Ayon kay Poe, nakababahala ang nangyari umanong “tanim-bala” na sinapit ng isang pasahero.
Aniya, hindi deserve ng mga innocent travellers na maranasan ang trauma at gulo dahil lamang sa mga mapangahas na airport personnel na dapat nagbibigay ng seguridad at kaligtasan sa mga pasahero.
Hinimok ni Poe ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno na silipin ang naturang insidente.
Una rito, sinabi ni Office of the Transportation Secretary Undersecretary Arthur Bisnar, nagpapatuloy pa ang imbestigasyon sa insidente at huwag muna raw pangunahan ang ikinakasang pagsisiyasat.
Gayunpaman, ipinag-utos na ni Transportation Secretary Vince Dizon ang termination at dismissal sa tatlong tauhan ng Office for Transportation Security (OTS) na sangkot sa umano’y ‘tanim-bala’ incident sa NAIA Terminal 3.