-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Humigit kumulang 7,000 square meters na plantasyon ng marijuana ang nadiskubre ng mga kasapi ng Quezon Police Station, Provincial Intelligence Unit-Isabela Police Provincial Office at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Provincial Office sa bulubunduking bahagi ng Sitio Dat-Ayan, Brgy. Minagbag, Quezon, Isabela.

Sinabi ni PCpt. Rouel Meña, hepe ng Quezon City Police Station na nakatanggap ang kanilang himpilan ng impormasyon kaugnay sa umano’y taniman ng marijuana sa nabanggit na lugar na agad nilang tinugunan.

Nakita nila ang mga malalaki nang marijuana na naitanim sa humigit kumulang 7,000 square meter.

Aabot aniya sa 21 puno ng tanim na marijuana ang kanilang nabunot.

Ayon pa sa hepe ng Quezon Police Station, nagawa pa umanong ma-harvest ng mga suspek ang iba pang mga pananim na marijuana bago pa maisagawa ang pagsalakay ng mga otoridad.

Lumabas sa pagsisiyasat ng pulisya na hindi taga-bayan ng Quezon, Isabela ang nagtanim ng marijuana sa nabanggit na lugar kundi taga-lalawigan ng Kalinga.

Naniniwala din ang pulisya na konektado sa naturang pangyayari ang mahigit limang kilo ng bricks ng marijuana na nasabat sa bayan din ng Quezon, Isabela noong buwan ng Mayo.

Batay sa pagtaya ng PDEA Provincial Office , aabot sa P4,000 ang halaga ng mga binunot na Marijuana ng mga otoridad sa nabanggit na lugar.

Dahil sa nasabing pangyayari ay magsasagawa na ng mas mahigpit na monitoring ang mga kasapi ng Quezon Police Station sa mga bulubunduking lugar sa kanilang nasasakupan na maaring pagtamnan ng marijuana.